Magtatayo ng 5 military facilities ang Estados Unidos sa iba’t ibang lugar sa bansa sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Ito, ayon kay Defense Secretary Voltaire Gazmin, ay kasunod na rin ng desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang constitutional ang naturang kasunduan.
Ginawa ni Gazmin ang pahayag isang araw matapos kumpirmahin ni US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg na popondohan ng Amerika ang konstruksiyon at pag-upgrade ng mga pasilidad sa loob ng mga kampo ng militar.
Sinabi ni Gazmin na ang mga napagkasunduang site o lugar ay ang Palawan, Lumbia sa Cagayan de Oro City, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Basa Air Base sa Pampanga at Cebu.
Una nang ipinaliwanag ni Goldberg na ang pagtatayo ng military facilities ay isa sa mga nakapaloob na probisyon sa EDCA.
By Jelbert Perdez