Inihayag ng Department of Agriculture’s Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na natapos ang pagtatayo ng siyam na multi-species hatcheries at aquaculture facility.
Ayon sa DA-BFAR, ang siyam na pasilidad ay multi-species marine hatcheries sa Perez, Quezon at Sultan Naga Dimaporo, Lanao Del Norte, na parehong pinasinayaan noong Disyembre 2021; at pitong mangrove crab seed banks, nursery at grow-out production farm sa Baras, Viga, Panganiban, Bagamanoc, San Andres, Caramoran, at Pandan sa Catanduanes.
Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na ang pagtatayo ng mga hatchery ay kabilang sa mga priority thrust ng gobyerno sa food security.
Samantala, sinabi ng kagawaran, na 21 pa ang nasa ilalim ng konstruksyon at inaasahang matatapos sa unang kalahati ng 2022. —sa panulat ni Kim Gomez