Binuweltahan ng senado ang patutsada sa kanila ni Albay Rep. Joey Salceda hinggil sa paggastos nito ng P10-B para sa pagpapatayo ng bagong gusali ng senado sa Fort Bonifacio sa Taguig City.
Ito’y makaraang banatan ni Salceda ang mga senador na tutol sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) dahil sa panghihinayang gumastos ng mga ito ng P2-B.
Ayon kay Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III, hindi patas para sa kanilang mga senador na ikumpara ni Salceda ang ginastos para sa pagpapatayo ng bagong gusali ng senado.
Giit ni Sotto, walang kaugnayan ang pagpapatayo nila ng bagong gusali sa pagtatatag ng ibang kagawaran at binigyang diin nito na mas makatitipid ang senado rito kaysa sa pagrenta nila sa GSIS na nasa mahigit P170-M kada taon.
Walang kinalaman yon sa pagtayo ng ibang departamento. It’s not fair to include that. Magkaiba yon, eh. Huwag niyang idikit ‘yon. Hindi naman kami ang huling makikinabang dito, ‘yong mga darating pang Senado.Imbes na nagbabayad sila, may sarili na silang building”, depensa ni Sotto.
Gayunman, iginiit pa rin ng mga mambabatas na dapat maitatag ang DDR na maliban sa pagiging priority bill ni Pangulong Rodrigo Duterte ay napapanahon na rin para iisang ahensya na lamang ang tututok sa tuwing malulungmok ang bansa sa kalamidad.
Bagay na ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian ay isang indikasyon na matatanggalan ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan para tugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan.
Naging mayor din ako ng 9 years, ayaw natin ng isang napakabigat na centralized approach dahil kung lahat ng desisyon o tulong ay manggagaling pa sa Metro Manila ay talagang huli na. Hindi lang pondo problema dito, ang konsepto din. Gusto banatin centralized o decentralized. Ang pananaw ng mga senador dapat nasa LGU ang kakayahan”, paliwanag ni Gatchalian.
Dahil sa pagiging malamig ng senado sa panukala, umaasa si Salceda na gagamitin ng administrasyong Duterte ang buong puwersa nito upang mapilitan ang senado na maipasa ang DDR.