Isinusulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagtatayo ng bike lane na nasa 1-metro hanggang 1.5-metro sa kahabaan ng EDSA bilang tulong sa limitadong public transportation.
Ayon kay MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago, binawasan ng 0.7-metro ang linya para sa mga pribadong sasakyan para mabigyan ng espasyo ang elevated bike lane.
Sinabi ni Pialago na gusto nila ang protected bike lanes sa halip na nasa kalsada ang bikers at hinaharang lang ng orange cones o concrete barriers ang bike lane na hindi ligtas.
Hinihintay na lamang nila ang budget mula sa Department of Transportation (DOTr) para masimulan na ang nasabing proyekto na ang konstruksyon ay maaaring matapos sa loob ng isang buwan.
Samantala, duda naman sa proyekto si environmental planner Keisha Mayuga ng biking advocate group na EDSA Evolution.
Binigyang diin ni Mayuga na kailangan ng tama at maayos na pasilidad at hindi uubra ang isang metro lamang na bike lane lalo na kung elevated pa.
Mas mura aniya o nasa P1-milyon ang tinatayang gastos sa isang grade bike lane kaysa sa elevated na nasa P3.8-milyon.
Inihayag pa ni Mayuga na maaaring matapos ng isa o dalawang araw ang pagtatayo ng pop up bike lanes kaysa elevated.