Muling tiniyak ni Interior and Local Government Officer-in-Charge Eduardo Año sa publiko na haharangin ng gobyerno ang pagtatayo ng isang casino sa isla ng Boracay, sa Malay, Aklan.
Ayon kay Año, bago pa ang rehabilitasyon ng Boracay ay nagdesisyon na si Pangulong Rodrigo Duterte na tutol siya sa planong konstruksyon ng casino sa isla.
Kahit aniya ang ilan pang cabinet member partikular si Boracay Rehabilitation Inter-Agency Task Force Chief at Environment Secretary Roy Cimatu ay hindi pabor sa paglalagay ng casino sa pinaka-popular na tourist destination.
Ipinunto ni Año na hindi naman pumupunta ang mga turista sa Bora para magsugal kundi para lumangoy at magbakasyon.
Magugunitang inilabas ng Macau-based Galaxy Entertainment Group at Filipino partner nitong AB Leisure Exponent Incorporated ang kanilang planong magtayo ng integrated resort-casino complex sa barangay Manoc-Manoc, na nagkakahalaga ng kalahating bilyong dolyar.
—-