Posible pang hindi matuloy ang pagtatayo ng casino sa Boracay Island matapos ang rehabilitasyon nito.
Ayon kay Department of Interior and Local Government o DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III, nakasalalay pa ito sa resulta ng isinasagawang pag-aaral sa kapasidad ng isla kung ilang tao at ilang istraktura ang kakayanin nito.
Ayon kay Densing, sakaling makita nila sa pag-aaral na hindi na kakayanin ng Boracay ang karagdagang istraktura ay hindi na papayagan ang casino.
Nilinaw ni Densing na sa kasalukuyan ay wala pang kahit anong klseng permit ang naibigay sa leisure and resorts world corporation para sa planong 500-million dollar integrated resort and casino sa Boracay.
Kaugnay nito, kinumpirma ng pamahalaang lokal ng Malay Aklan na wala pang aplikasyon ang Leisure and Resorts World Corporation para sa kahit anong uri ng permit sa pagtatayo ng casino sa Boracay Island.
Ayon kay Rowen Aguirre, Executive Assistant ni Mayor Ciceron Cawaling ng Malay Aklan, sa ngayon ay nasa proseso pa lamang ng pamimili ng lupain sa Boracay ang Leisure and Resorts World.
Sinabi ni Aguirre na ang tanging hawak ngayon ng kumpanya ay ang resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Malay noong 2017 na nag-eendorso sa pagtatayo ng casino sa Boracay.
P2-B calamity fund for displaced workers
Samantala, tiwala ang DILG na sasapat ang inilaang pondo ng pamahalaan para sa mga maaapektuhang manggagawa sa nakaambang pagsasara ng isla ng Boracay.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III, nakapaglaan na sila ng dalawang bilyong pisong calamity fund para sa lahat ng maaapektuhan ng pagsasara ng Boracay.
Bukod pa aniya ito sa pondo ng DOLE para sa limang libong (5,000) mga manggagawang maaayudahan ng kanilang tupad o tulong panghanapbuhay sa ating disadvantaged / displaced workers program.
Sa pagtaya ni Densing sobra-sobra pa ang nasabing dalawang bilyong pisong calamity fund para sa dalawampung libong (20,000) mga manggagawa na posibleng maapektuhan ng Boracay closure.
“As for 20,000 people, assuming na minimum wage ang mabibigay sa kanila we’re talking about around 800 million of the 2 billion na puwedeng magamit na parang bridge salary sa mga taong maaapektuhan.” Ani Densing
Nananawagan naman si Densing sa mga negosyante sa Boracay na sagutin na lamang ang suweldo ng mga tauhan nito sa loob ng apat na buwan habang nakasara sa turista ang isla.
“First four months ang estimates ko kumita na sila ng mga 20 billion, base sa datos ng DOT even at March pa lang lumagpas sila ng visitors arrival, up by 3 percent compared last year, malaki na talaga ang kinita diyan ano ba naman ‘yung magpa-ayuda sila na “o sige sagutin muna namin ang suweldo niyo habang sarado tayo, hopefully pagbukas ng October ay bawi tayo lahat.” Pahayag ni Densing
(Krista de Dios / Ratsada Balita Interview)