Ipinag-utos ng liderato ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagtatayo ng storage facility para sa mga bibilhing bakuna kontra COVID-19 ng lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang naturang storage facility ay pwedeng paglagakan ng kahit anong uri ng bakuna kontra COVID-19.
Mababatid na nilagdaan na ni Moreno ang mga dokumento hinggil sa pagbili ng 12 mga refrigeration system, at 50 units ng mga transport cooler bilang paghahanda sa pagdating ng kukuning bakuna.
Kasunod nito, ani Moreno, inaasahan sa mga susunod na linggo ay matatapos na ang konstruksyon ng naturang storage facility.
Magugunitang isa ang Maynila sa 39 na mga lungsod na lumagda sa tripartite agreement sa pagitan ng NTF at health department maging ang AstraZeneca para sa COVID-19 vaccine.
Sa huli, tiniyak ni Mayor Moreno na may tiyak nang 800,000 doses ng bakuna para sa mga residente ng lungsod.