Paglaban pa rin sa iligal na droga sa bansa ang tinututukan ni Sen. Christopher “Bong” Go.
Ito’y matapos ihain muli ni Go ang Senate Bill No. 428 na layong magtayo ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa buong Pilipinas.
Ayon kay Go, kailangang ipagpatuloy ang drug war campaign na sinimulan noong Duterte administration, maging ang pagtugon sa iba pang isyu, gaya ng kriminalidad at katiwalian.
“Kapag nako-contain mo ‘yung illegal drugs, kasama na diyan ‘yung criminality at ‘yung korapsyon. ‘Pag lumala ‘yung drugs, babalik ‘yung criminality, at tataas ‘yung korapsyon — mako-corrupt na po ‘yung tao,” pagbibigay diin ni Go.
“Nakikita naman po sa datos na napakarami na po talaga ang nasira ang buhay nang dahil sa iligal na droga. Huwag po natin sayangin ang inyong bukas at gumawa na lang po ng tama. Kaya kung kinakailangan n’yo po ng tulong, sabihan niyo lang po kami,” wika ng senador.
Hanggang noong Pebrero 2022, iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency na kabuuang 331,694 suspects ang inaresto sa 229,868 drug war operations na isinagawa simula July 2016. Sa mga dinakip, 15,096 ang high-value targets.
Tinatayang P89.29 bilyong halaga ng iba’t ibang iligal na droga ang nasabat ng mga awtoridad, kabilang P76.17 billion na halaga ng shabu.
Sa kabilang banda, binigyan-diin ni Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, na hindi solusyon sa lahat ang pagsugpo sa drug-related crimes, dahil kailangan ding bigyan ng atensyon ang rehabilistasyon at recovery ng kanilang mga biktima.
“Isa sa mga ipinagbilin ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa akin ay ang ipagpatuloy ang laban kontra sa ilegal na droga, pati na rin ang laban sa korapsyon at kriminalidad. Umaasa tayo na sa [bagong administrasyon] ay mas mapapalakas pa ang kampanyang ito upang tuluyang mabigyan ng mas ligtas at komportableng buhay ang mga Pilipino,” ani Go.
Batay sa bill ni Go, isang drug rehabilitation center ang itatayo sa bawat probinsya, sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH).
“Drug addicts should be treated as victims in desperate need of medical, psychological, and spiritual assistance, with the goal of reintegrating back into society as healthy and productive citizens,” paliwanag ni Go. “Dapat bigyan po natin sila ng pagkakataon ng panibagong buhay.”