Posibleng abutin pa ng ilang taon bago tuluyang makabalik sa kani-kanilang mga lugar ang mga residenteng naapektuhan ng giyera sa Marawi City.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong, kakailanganin munang magsagawa ng clean-up drive sa buong lungsod dahil sa matinding pinsalang idinulot ng mahigit apat na buwang bakbakan sa pagitan ng mga terorista at tropa ng pamahalaan.
Paliwanag ni Adiong, mahalagang maibalik muna ang serbisyo ng gobyerno at iba pang pasilidad sa Marawi bago makabalik ang mga residente nito.
Dagdag pa ni Adiong, titiyakin ng pamahalaan na tanging ang mga lehitimong residente lang ng Marawi ang makakapasok sa lungsod kapag binuksan na ito ng militar.
Aniya, mayroon silang natatanggap na impormasyon na nais din ng mga tagasuporta ng Maute-ISIS na makapasok sa lungsod.
—-