Sinupalpal ng grupo ng mga indigenous people ang National Commission on Indigenous Peoples (NICP) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dahil sa implementasyon ng mga dam project sa Rizal, Quezon at Apayao Provinces.
Pinababawi ng mga grupong Dumagat at isnag ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa Kaliwa Dam sa Quezon-Rizal area at certification precondition para sa Gened Dam 1 sa Apayao.
Kumatawan sa mga grupo ang Network Opposed to Kaliwa, Kanan and Laiban Dams (NO-KKLD), Water for the People Network at Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.
Ayon kay NO-KKLD Spokesperson Kakay Tolentino, nilabag ng NCIP ang karapatan ng mga indigenous people (IP) at minanipula ang proseso ng free prior and informed consent upang makakuha ng certificates of precondition para sa pagtatayo ng mga dam.
Minadali rin anila ang proseso ng mga ahensyang desperado na sa pagpapatupad ng mapaminsalang mga proyektong kikitil sa kabuhayan ng mga katutubo.
Isinagawa ng MWSS ang ikalawang bugso ng MOA validation para sa Kaliwa dam mula January 24 hanggang 29 kahit nasa ilalim ng COVID-19 alert level 3 ang mga nasabing lugar.