Kinalampag ng isang mambabatas ang mga lokal na pamahalaan para maghanap ng isang lugar upang pagtayuan ng temporary evacuation center para sa kanilang mga nasasakupan.
Ito’y para matiyak na maging ligtas ang mga evacuee ngayong sunud-sunod na naman ang mga kalamidad sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay House Deputy Speaker at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera, malaking hamon sa ngayon ang kaligtasan sa mga kalamidad at pagsunod sa health and safety protocols dahil sa COVID-19 habang nasa evacuation centers.
Giit ng mambabatas, mainam na mayroong nakalaang lugar ang mga lokal na pamahalaan upang maiwasan ang siksikan at masiguro ring hindi kakalat ang COVID-19 sa mga evacuee.
Dapat din aniya itong sabayan ng paglilinis sa mga estero, ilog at iba pang daluyan ng tubig partikular na sa Metro Manila at mga karatig lalawigan na siyang isa sa mga pangunahing dahilan ng mabilis na pagbaha. —ulat mula kay Jill Resontoc (Patrol 7)