Walang nakikitang masama si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa pagtatayo ng pasilidad ng Dito Telecommunity Corporation sa mga Kampo Militar.
Ito’y sa gitna na rin ng pangambang magamit umano ng China ang mga nasabing pasilidad para makapaniktik sa Pilipinas lalo’t isang malaking Chinese company ang itinuturong nasa likod ng Dito Telecommunity.
Ayon kay Esperon, malaking kalokohan ang pinangangambahan ng karamihan lalo’t mananatiling bantay sarado ang naturang mga pasilidad sa loob ng Kampo Militar.
Maliban sa mga kampo, nais din ni Esperon na palawakin pa ang saklaw ng serbisyo ng mga telco sa pamamagitan ng pagtatayo ng pasilidad nito sa mga eskuwelahan, bahay pamahalaan at mga tanggapan ng barangay.
Ginawa ni Esperon ang pahayag matapos lagdaan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang kasunduan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Dito Telecommunity na magbibigay daan sa pagpapatayo ng kanilang pasilidad sa loob ng mga kampo.