Ikinukunsidera ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na magkaroon na ng permanent relocation ang lahat ng mga residenteng malapit sa mga danger zone area sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ay kasunod ng mungkahi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS na ilipat sa isang relocation site ang mga residente na nasa loob ng 6-kilometer danger zone sa paanan ng bulkang Mayon dahil sa pag-aalburuto nito.
Ayon kay Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, wala silang nakikitang problema sa naturang rekomendasyon ng PHIVOLCS.
Dagdag pa ni Marasigan, sa katunayan aniya ay matagal na nila sana itong nais imungkahi para sa lahat ng mga lugar na kadalasang may landslide, binabaha at malimit nililindol.
Ngunit paglilinaw ni Marasigan, nasa mga lokal na pamahalaan pa rin ang huling pasya kaugnay sa mga maaaring gawing relokasyon ng kanilang mga residente sa panahon ng kalamidad.
‘DepEd’
Inirerekomenda na rin ni Education Secretary Leonor Briones na dapat ng magkaroon ng permanenteng evacuation center sa tuwing magkakaroon ng kalamidad.
Paliwanag ni Briones, ito ay upang hindi na rin maaapektuhan ang pasok ng mga mag-aaral sa tuwing gagamiting relocation site ang mga eskwelahan.
Kaugnay nito, plano rin ng Department of Education o DepEd na mag-stock na ng mga gamit para sa mga mag-aaral sa mga lugar na kalamitang nakakaranas ng kalamidad.
Kabilang dito ang mga raincoats, boots, payong, face mask, plastic envelopes at hygiene kits.
—-