Nababahala si Defense Secretary Delfin Lorenzana na posible aniyang maging kuta ng mga espiya ang pagtatayo ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) malapit sa mga kampo militar.
Ayon sa kalihim, hindi aniya malayong mangyari ito lalo’t karamihan sa mga nagtatrabaho sa POGO ay mga Tsino na subok na umano ang kakayahan sa surveillance o pagmamanman.
Ilan sa mga lugar na may nakatayong POGO ay sa bahagi ng Eastwood at Araneta Center sa Quezon City, ilang metro lang ang distansya mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) General Headquarters sa Kampo Aguinaldo.
Gayundin sa Bonifacio Global City sa Taguig na ilang metro lang din ang distansya mula sa mga kampo ng Philippine Army, Navy at Marines sa Fort Bonifacio.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na mas makabubuti nang itayo na lang ang mga POGO malayo sa mga kampo ngunit binigyang diin nito na dapat nababantayan pa rin sila ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.