Pinuna ng isang senador ang napiling pagtatayuang pasilidad ng Department of Agriculture (DA) sa Subic para sa ini-import na karne sa bansa.
Duda si Senator Imee Marcos sa naturang lokasyon dahil sa halip na sa Maynila ilagay ang mga inimport na karne, sa Subic ito naisipang itayo ng DA na nagkakahalaga ng P500 million.
Sinabi ng Senadora na karaniwang ginagawang lokasyon o Cold Examination Facility ng mga ahensya ng gobyerno sa pag-iimport ng produkto ay ang Maynila.
Iginiit pa ng mambabatas na may posibilidad din na makapasok ang sakit na African Swine Fever (ASF) kung sa Subic ilalagay ang mga produkto.
Bukod pa dito, nababahala rin si Marcos dahil mas magmamahal ang presyo ng food imports dahil posibleng madagdagan ang bayarin ng paghahatid ng produkto mula sa nabanggit na lugar.