Nakukompromiso na ang performance sa trabaho ng mga nurse dahil sa maraming pasyenteng hinahawakan ng mga ito sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Filipino Nurse United (FNU) Secretary General Jocelyn Andamo, nakakaawa at nakakalungkot ang kalagayan ng mga nurse lalo’t tumataas na naman ang kaso ng COVID-19 ngayon.
Aniya karaniwan tatlo hanggang anim na COVID patient ang hinahakawan ng isang nurse, ngunit ngayon ay umaabot na sa 10-12 pasyente anomang kalagayan nito.
Dahil aniya rito, nakokompromiso na ang kalidad ng serbisyo at halos hindi na rin makakain ng maayos ang mga nurse at makapag-CR kaya ang iba umano ay napipilitan nang magsuot na lamang ng diapers para makatipid sa PPE.
Kasabay nito, iginiit ni Andamo na hindi pa natatanggap ng maraming nurse ang kanilang benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 2 Law.