Tila kasukdulan na nang paglapastangan sa pananampalataya ng bawat indibiduwal ang pagtawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Diyos bilang estupido.
Ito ang inihayag ni Senador Antonio Trillanes sa gitna ng kanyang pakikiisa sa mga kumukondena sa pinakabagong pag-atake ni Pangulong Duterte sa Kristyanismo at mismong panginoon.
Ayon kay Trillanes, tila umaasa ang Pangulo na siya mismo ang Diyos at ang masamang pag-iisip ng punong ehekutibo ay tumutugon sa walang puso at malupit nitong mga patakaran.
Dapat anyang maging klaro sa lahat na si Pangulong Duterte ay isang masamang tao.
Samantala, una nang inihayag ni Senador Panfilo Lacson na sana ay patawarin ang Pangulo ng Diyos at pagsisihan ang kanyang mga kasalanan.
Palace statement
Personal na ispiritwalidad at paniniwala ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang deklarasyon na istupidong Diyos ang Panginoon.
Pahayag ito ng tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque matapos umani ng batikos ang pahayag ng Pangulo.
Kumbinsido si Roque na ang mga ganitong pagtira ng pangulo sa Simbahang Katolika ay nag-ugat sa hindi nay magandang karanasan sa isang pari noong siya ay bata pa.
Ayon kay Roque, nagkataon lamang na Presidente na ngayon ang biktima noon subalit dapat na aniya itong harapin hindi dapat kalimutan ng simbahan.
Posible anyang magkaroon lamang ng closure kung aamin at hihingi ng tawad ang simbahan para sa lahat ng naging biktima tulad ng Pangulong Duterte.
(Ulat ni Cely Bueno)