Pinalagan ng Malakanyang ang bansag ng Communist Party of the Philippines na TRAPO o traditional politician si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y kasunod ng pagpayag nitong mailibing si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Binigyang-diin ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ipinatupad lamang ng Pangulong Duterte kung ano ang nakasaad sa batas, na sinang-ayunan pa ng Korte Suprema.
Ayon kay Panelo, tanging si Pangulong Duterte lamang ang bukod tanging Presidente na nagtalaga ng mga miyembro ng gabinete na mula sa maka-kaliwa kaya’t hindi ito matatawag na trapo.
Sa kabila nito, sinabi ni Panelo na nirerespeto ng Palasyo ang pagtutol ng kilusang komunista dahil mayroong umiiral na demokrasya sa bansa.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping