Umapela ng pang-unawa ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa mga kritiko gayundin sa publiko kung bakit kailangang magtuluy-tuloy ang opensiba ng militar kontra Maute Group sa Marawi City.
Giit ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, hindi naman ang militar kundi ang mga terorista na hinayaang makapasok sa lungsod ang siyang nagsimula ng gulo.
Isa aniyang shared responsibility ang pagpapatupad ng seguridad sa isang lugar tulad ng Marawi City kung saan, kasama ang mga komunidad sa trabaho ng mga otoridad sa pagbabantay.
Naagapan aniya sana ng mas maaga ang grupo kung masigasig na nakipag-ugnayan ang mga residente tulad ng ginawa ng mga Boholanon nang sumugod at magkuta sa Bohol ang mga bandidong Abu Sayyaf noong Semana Santa.
May-ari ng bahay kung saan narekober ang milyong pisong halaga ng salapi at tseke inaalam na
Nagpasaklolo na ang Armed Forces of the Philippines sa Department of Finance o DOF gayundin sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Kaugnay ito sa halos walumpung milyong pisong (P80-M) halaga ng salapi at tseke na narekober sa itinuturing na sniper house ng Maute Group sa Marawi City.
Sa isinagawang Mindanao Hour sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na sa madaling matutukoy kung saang bangko nagmula ang pera sa tulong ng banking sector.
Hanggang ngayon, inaalam pa rin ng AFP kung sino ang nagmamay-ari ng abandonadong bahay sa Marawi City kung saan nakuha ang bultu-bultong salapi.
By Jaymark Dagala | With Report from Aileen Taliping