Nakipagsanib-puwersa na ang mga lokal na pamahalaan ng Maguindanao at North Cotabato sa militar para tugisin ang mga dayuhang terorista na kinakanlong ng mga lokal na terorista.
Ito’y makaraang mapaulat na nakatakas ang may tatlong (3) dayuhang terorista bunsod ng mga ipinatutupad na operasyon ng militar sa Datu Salibo sa Maguindanao noong isang linggo.
Kinilala ang mga nakatakas na terorista na sina Mauwiyah alyas Hamoody Ali; Mohammad Ali Bin Abdurahman at Suhardono na sinasabing may lahing Singaporean at Indonesian.
Ayon kay Brig/Gen. Ariel dela Vega, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, pawang nagsimula sa grupong Jemaah Islamiyah ang tatlo bago mapunta sa Maute Group at BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Kasunod nito, pinaigting na rin ng Philippine National Police (PNP) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang pagmamanman sa iba pang mga hinihinalang teroristang grupo sa kanilang nasasakupan upang malaman kung naroon ang mga pinaghahanap.
By Jaymark Dagala