Pinaigting pa ng Bureau of Immigration (BI) ang pagtugis sa mga overstaying o mga dayuhang ilegal na nananatili dito sa ating bansa.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni BI Spokesperson dana Sandoval na tuloy-tuloy ang pagmo-monitor nila sa mga un-documented foreign nationals.
Pinangungunahan aniya ng intelligence division ng BI ang pag-iimbestiga sa mga natatanggap nilang sumbong upang matukoy ang mga illegal aliens sa bansa.
Ang hakbang ay ginawa matapos masakote ng fugitive Search Unit ng Immigration Office ang tatlong Chinese nationals na wanted sa China dahil sa sinasabing pagkakasangkot ng mga ito sa investment scam at oil smuggling.
Sa ilalim naman ng batas, ang mga dayuhang residente, nag-aaral o nagtatrabaho dito sa Pilipinas, ay obligadong mag-report sa ahensya sa unang 60 araw ng pananatili nila sa bansa. —mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13) sa panulat ni Jenn Patrolla