Balik na sa offensive mode ang buong puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Kasunod ito ng pormal na pagtatapos ng idinekalarang ceasefire o tigil putukan sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines – New Peoples Army – National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) sa nakalipas na holiday.
Ayon kay PNP OIC Lt. General Archie Gamboa, uunahan nila ang rebelde sa pag-atake bilang bahagi ng kanilang pagtugis sa mga ito lalo na ang mga may kinahaharap na kaso.
Samantala sinabi ni AFP Spokesman Marine Brig. General Edgard Arevalo, naging kawalan sa bahagi ng sandatahang lakas ng Pilipinas ang idineklarang ceasefire.
Ito ay matapos masawi ang ilang sundalo dahil sa pa-traydor na pag-atake ng mga rebelde sa araw ng pagdi-deklara mismo ng tigil putukan.
Iginiit ni Arevalo, talo rin ang taumbayan dahil hindi naman aniya nakamit ang ganap na kapayapaan sa halip ay lalo pang lumakas ang loob ng mga rebelde na samantalihin ang okasyon. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)