Nanawagan si Senate President Vicente Sotto III na huwag nang iugnay ang pagtugon ng gobyerno sa pandemya sa pulitika.
Ito’y makaraang sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na makapagpapalakas sa kandidato ng administrasyon at malamang daw mamoblema ang mga kandidato ng opisyon dahil sa magandang pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic ng gobyerno lalo na kapag naabot na ang herd immunity.
Ayon kay Sotto, mas magandang magtrabaho na lang para sa kapakanan ng ating mga kababayan.
Hindi kasi aniya magandang iugnay sa halalan sa susunod na taon ang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya at baka aniya ay magbackfire pa ito sa kanila.
Samantala, iginiit naman ni Senador Panfilo Lacson na hindi ito ang maganda o tamang panahon para pag usapan ang politika.
Makabubuti anyang tapusin muna natin ang problema sa COVID-19 para maging kasaysayan na lang ito bago sumapit ang 2022.
Giit nila Lacson, wala siyang pakialam sinuman ang makakuha ng credit, ang mahalaga ay matagumpay na nating malabanan ang pandemya. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)