Nakakuha ng bagsak na marka mula sa mga eksperto ang pagtugon ng gobyerno sa nararanasang pandemya sa bansa bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ilang araw bago ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan inaasahang ihahayag nito ang “coronavirus recovery plan” ng gobyerno.
Sa isang pagtitipon na inorganisa ng grupong Citizens’ Urgent Response to End COVID (CURE), inihayag ng mga eksperto sa kalusugan at iba pang larangan na nakitaan nila ng pagkukulang ang gobyerno sa pagtugon sa krisis na naging resulta sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng dinapuan ng COVID-19 at malalang sitwasyon ng kahirapan.
Ayon kay Dr. Joshua San Pedro, co-founder ng Coalition for People’s Right to Health, tila bumabalik lamang ang bansa sa simula sa kabila ng mga ipinatupad na lockdown.
Aniya, kung sa usapin ng pagiging epektibo ng mga pamamaraan ng gobyerno ay masasabing bagsak ito; kailangan pa umano ng improvement upang makita na ang epekto nito.
Sa ngayon ay nananatiling nangunguna pa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na may pinakamaraming kaso ng COVID-19.