Hindi umano sakop ng Food and Drug Administration (FDA) na tukuyin ang posibleng pananagutan ng dalawang mambabatas na namahagi ng libreng kapsula ng anti-parasitic drug na Ivermectin.
Ito ang nilinaw mismo ng FDA kaugnay sa patuloy na pag-iimbestiga hinggil sa nangyaring pamimigay ng naturang gamot na sinasabing pwedeng inumin bilang panlaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay FDA Dir. Gen. Eric Domingo, ang pokus ng kanilang imbestigasyon ay para tingnan kung naipamahagi ba ang gamot ng maayos at sa tamang tao at kung balido ba ibinigay na mga reseta.
Ani Domingo, hindi naman ilegal ang pagsasagawa ng free clinic ng dalawang mambabatas basta ito aniya ay ginawa ng may kaayusan.
Ang isa aniyang nakita nilang kakaiba rito ay ang sinasabing waiver kung saan nakasaad na wala silang pananagutan o responsibilidad, at wala umano siyang nakikitang ganito sa ibang nagsasagawa ng free clinic.