Dapat linawin ni Presidential Spokesman Sec. Harry Roque ang kaniyang inilabas na opinyon hinggil sa usapin ng pagpapalaya kay US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton.
Ayon sa abogado at guest host ng Karambola sa DWIZ na si Atty. Larry Gadon, kailangang maliwanagan ang publiko sa mga naging pahayag ni Roque kung ito ba’y sa kaniyang panig bilang dating abogado ng pamilya Laude o bilang tagapagsalita ng Pangulo.
Giit ni Gadon, ang hayagang pagtuligsa ni Roque aniya sa usapin ay sumasalamin sa posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at posible na malabag nito ang separation of powers ng ehekutibo at hudikatura.
Kasunod nito, umapela rin si Gadon sa korte na linawin kung may rekomendasyon ang Bureau of Corrections (BuCor) na palayain si Pemberton sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Kung wala at hindi ito binasbasan ng Department of Justice (DOJ), walang dahilan upang palayain si Pemberton at hayaan na lang itong pagsilbihan ang nalalabi niyang sentensya.