Welcome sa PNP o Philippine National Police ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na isali ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF) at New People’s Army (NPA) sa paglaban sa Maute group sa Marawi City.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, bukas sila sa lahat ng klaseng tulong lalo’t pare-pareho naman silang mga Pilipino na dapat magtulungan para depensehan ang bansa.
Kasabay nito, umapela si Dela Rosa sa NPA na makisimpatya sa kapwa sa gitna ng umano’y plano ng mga ito na umatake kasabay ng kaguluhan sa Marawi City.
Public Safety Battalion ng pulisya sa mga rehiyon inalerto
Inalerto ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang Public Safety Battalion ng pulisya sa bawat rehiyon.
Ito’y kung sakaling kailanganin pa ng dagdag na pwersa sa Marawi kung saan nakikipagsagupa ngayon ang tropa ng pamahalaan laban sa Maute group.
Ayon kay Dela Rosa, naka-stand by na ang kanilang public safety personnel sa buong bansa at naghihintay na lamang ng kanyang utos para bumiyahe sa Marawi.
Ipinabatid ng PNP Chief na may malaking pwersa na ng mga pulis sa lugar ng bakbakan na kinabibilangan ng Marawi Local Police, public safety forces ng PNP ARMM, Region 10, Region 12 at ang karamihan sa operating battalion ng special action force.
By Meann Tanbio | With Report from Jonathan Andal