Binuweltahan ng partido komunista ng Pilipinas ang DND o Department of National Defense makaraang sabihin nito na hindi na matutuloy ang plano umanong ‘Red October Plot’ ng mga maka-kaliwa para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay CPP Founding Chairman Jose Maria Sison, isang malinaw na kathang isip lamang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pinalutang nitong ‘Red October Plot’.
Gayunman, sinabi ni Sison na kahit hindi Oktubre, tuloy pa rin ang kanilang pakikibaka para patalsikin sa puwesto ang Pangulo na aniya’y tunay na nagpapahirap sa mga Pilipino.
Kasunod nito, binatikos din ni Sison ang pagtungo sa Hong Kong ng Pangulo na aniya’y insensitive sa tunay na kalagayan ng mga naghihirap na Pilipino.
Habang namimili aniya ng mga bagong damit ang Pangulo, nananatili namang lugmok ang taumbayan sa kahirapan at kawalan ng hustisya dahil sa sobrang mahal na presyo ng mga bilihin.