Malaking hamon para sa Bureau of Immigration ang pagpapatupad ng travel ban sa Daegu at North Gyeongsang province ng South Korea.
Ayon kay Dana Sandoval, spokesperson ng Bureau of Immigration, tiyak na mahihirapan ang kanilang mga tauhan na matukoy kung sinu-sino sa mga South Koreans na dumarating sa bansa ang galing sa Daegu at North Gyeongsang.
Karamihan anya ay dumadaan sa mga major international airports kayat posibleng sumakay sila ng kotse o regional flights na hindi makikita sa kanilang mga pasaporte.
Sinabi ni Sandoval na posibleng hingan na lamang nila ng certificates of travel ang mga magmumula sa Daegu at North Gyeongsang.
Bagamat ini-anunsyo ng Malakanyang ang travel ban, hindi pa ito ipinatutupad dahil sa kakulangan ng guidelines.