Tahasang inakusahan ng grupong Bayan Muna ang administrasyong Duterte na itinuturing na krimen ang hindi pagsang-ayon sa kanilang adhikain at paniniwala.
Ayon iyan kay Bayan Muna National Chairman Atty. Neri Colmenares sa harap na rin ng pagkondena nito sa ginawang pag-aresto ng militar sa siyam na militante noong isang linggo.
Magugunitang sumugod sa national headquarters ng pambansang pulisya sa Kampo Crame ang iba’t ibang militanteng grupo noong isang linggo para ipanawagan ang pagpapalaya sa tatlo nilang mga kasamahan na inaresto sa isinagawang operasyon sa Laguna at Nueva Ecija.
Kabilang sa mga inaresto ang consultant ng women’s group na GABRIELA na si Hedda Calderon, Irineo Atadero, Edizal Legazpi at Adel Silva na nakuhanan umano ng kalibre kuwarenta’y singkong pistola.
Binatikos din ni Colmenares ang ipinatutupad nitong crackdown laban sa mga aktibista na kasama sa planong pagbuo ng isang national task force to end insurgency bago matapos ang taong ito.