Kinondena ng Migrante International ang tila pagturing bilang kriminal sa mga balik bansang Overseas Filipino Workers (OFW) na tumakas mula sa kanilang quarantine facility.
Ayon kay Migrate International Chairperson, Joanna Concepcion, isang malaking kahihiyan na tinatratong kriminal ng pamahalaan ang mga OFW’s na na-trauma na sa kanilang karanasan sa ibang bansa at sa quarantine facility sa Pilipinas.
Iginiit ni Concepcion, walang natatanggap na sapat at nararapat lamang na tulong pinansiyal, psychosocial support, serbisyong medikal at transportasyon ang mga umuwing OFW’s sa bansa mula sa pamahalaan.
Binatikos din ng grupo si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. matapos nitong himukin ang mga awtoridad na arestuhin ang mga OFW’s na tumakas mula sa kanilang tinutuluyang quarantine facility.
Kamakailan, iniulat ng Philippine Coast Guard ang pagtakas mula sa quarantine facility ng walong OFW’s kung saan isa sa mga ito ang kalauna’y nabatid na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).