Ikinatuwa ng grupong Teachers Dignity Coalition ang desisyon ni Department of Education o DepEd Secretary Leonor Briones na hindi nila pahihintulutan ang condom distribution sa mga paaralan.
Naipaabot na umano ni Briones kay Department of Health o DOH Secretary Paulyn Ubial na hindi nila masusuportahan ang pamamahagi ng condoms sa mga estudyante sa high school na sa paniniwala ng DOH ay isang paraan upang mapigil ang teenage pregnancy at ang HIV/AIDS.
Sa panayam ng programang Balita Na Serbisyo Pa ng DWIZ, sinabi ni Benjo Basas ng Teachers Dignity Coalition na hindi tamang solusyon ang pamimigay ng libreng condom para mabawasan ang kaso ng teenage pregnancy at HIV cases sa bansa.
“Hindi naman siguro tama na ito yung nakikitang solusyon ng ating Department of Health (DOH) na para bumaba ang kaso ng teenage pregnancy at HIV cases ay yun ay mamigay ng condom”
Ayon rin kay Basas mas maganda aniya kung may pag-aaral o basehan ang DOH sa pamimigay ng condom sa mga pampublikong paaralan.
“Dapat by researches sana, hindi lang basta sinabi ng DOH kase they could give us the assumption na yung maraming kaso ng HIV ay nagmula sa school or mga school age children yung mga nabibiktima”
Aniya, mas kanilang susuportahan ang mag re-educate sa mga kabataan at ang pag-aayos sa values system.
“Mahabang proseso, hindi possible peron dun kami mas tumataya, dun sa pag re-educate sa ating mga kabataan, sa pag-aayos ng values system natin, kase parang pag namigay kana ng condom, sumuko kana, tapos na.”
Binigyan-diin rin ni Basas na bilang education institution at bilang gobyerno, obligasyon nitong turuan ang mga kabataan at mas kailangan umano ng kabataan ang gabay sa kabila ng kanilang edad kung saan naturalmenteng mas expose sila sa pakikipag relasyon.
By: Race Perez
Credits to Balita Na Serbisyo Pa program of DWIZ mapapakinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM - 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido