Iginagalang ng Philippine National Police o PNP ang mariing pagtututol ng Department of Education o DepEd sa panukalang magsagawa ng mandatory drug test sa mga Grade 4 students pataas.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni National Capital Region Police Office o NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na patuloy silang naghahanap ng mga kaparaanan para maprotektahan at maiiwas mula sa iligal na droga ang mga kabataan na hindi aniya magiging sagabal sa panuntunan ng Deped.
Una rito, iniatras na ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang kanilang panukalang mandatory drug test sa mga mag-aaral na nasa ika-apat na baitang pataas.
Naninindigan kasi ang DepEd na labag ito sa batas dahil tanging ang mga high school at college students lamang ang maaaring isalang sa mandatory drug test.
“While it’s true na tuloy-tuloy ang ating operation at marami tayong nahuhuli pero hindi matatapos ang ating problema kung tuloy-tuloy din ang recruitment ng mga sindikato na makapagdagdag ng mga bagong gumagamit ng iligal na droga, at ang target talaga nila at vulnerable dito ay ang mga kabataan kasama na ang ating mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan.” Ani Eleazar
(Balitang Todong Lakas Interview)