Dapat nang madaliin ang pagtuturok ng booster dose sa mahigit 26M Pilipino sa bansa.
Ito ang inihayag ni National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje matapos maitala ang 10M bilang ng mga Pinoy na naturukan ng booster dose.
Ayon kay Cabotaje, sa target na 36.7M mga Pilipino, 1/3 pa lamang ang nabibigyan ng booster kung saan, hindi pa natuturukan ang nasa 26.7M Pilipino.
Sinabi ni Cabotaje na karamihan sa mga hindi pa kumbinsido ay nag-iisip pa kung ang pagpapaturok ng booster ay kailangan sa katawan ng isang tao habang ang iba naman ay hindi ikinukunsidera ang urgency ng pagpapa-booster shot.
Dahil dito, sinabi ni Cabotaje na ang pamahalaan na mismo ang gagawa ng paraan at lalapit sa mismong mga bahay maging sa mga malalayong lugar upang maturukan ng booster shot ang bawat isa. —sa panulat ni Angelica Doctolero