Binalaan ng ilang taga-oposisyon ang Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng sapitin ang naging kapalaran ng dating Pangulong Noynoy Aquino sa pagbaba nito sa puwesto sa 2022.
Kasunod na rin ito nang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman sa Sandiganbayan laban sa dating Pangulo dahil sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF commandos sa Mamasapano, Maguindanao.
Sinabi ni Akbayan Party-list Representative Tom Villarin na posibleng mapanagot din ang Pangulo dahil sa mga paglabag nito sa karapatang pantao partikular ang kampanya kontra iligal na droga.
Ang nasabing babala, ayon kay Villarin ay para rin sa iba pang nasa gobyerno na mananagot sa batas kapag may ginawang mali o kapalpakan.
Hindi na rin aniya siya nagtakang nais ipa-impeach ng gobyerno si Ombudsman Conchita Carpio Morales para makaiwas sa kaso at maglagay ng kanilang kakampi sa Ombudsman.
(Ulat ni Jill Resontoc)