Pinalagan ng ilang senador ang pahayag ni Senador Antonio Trillanes na nagsisilbing ‘apologists’ ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang senador.
Ayon kay Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, maaari namang nagpapahayag lang ng kanilang personal na pananaw ang ilang senador sa mga nagiging hakbangin ng Pangulo sa pamumuno nito.
Iginiit ni Sotto dapat ay walang pakialamanan sa kanilang mga inihahayag na opinion.
Sinabi pa ni Sotto na hindi niya alam kung saan nakuha ni Senator Trillanes ang sinasabi nitong bilang ng mga senador na umano’y hindi na nasisiyahan sa direksyon ng bansa sa ilalim ng Duterte administration at mga umano’y nagiging apologist ng Pangulo.
Ayon naman kay Senator JV Ejercito, alinsunod sa umiiral na parliamentary courtesy dapat matuto ang bawat senador na irespeto ang kanilang mga kasamahan.
Una rito sinabi ni Senator Trillianes na nakakadismaya na may ilang senador ang nagiging apologist sa mga kapalpakan ng Pangulo pero mayroon naman daw mahigit sampu (10) sa kanyang mga kasamahan ang hindi na nasisiyahan sa nagiging pamamahala ng Pangulo.
By Len Aguirre | Cely Bueno (Patrol 19)