Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pahayag ng event organizer sa Pasay City concert kung saan 5 katao ang nasawi.
Batay sa statement ng Eventscape Manila, tiniyak nito ang pagsunod sa lahat ng mga patakaran partikular sa pagkuha ng kinakailangang permit sa kabuuan ng Close Up Rave event.
Iginiit din ng organizer na tanging alak lamang ang ibinenta sa ilang puwesto sa MOA at hindi ang umano’y naipasok na droga.
Nakasaad din sa isinumiteng security plan ng organizer sa NBI na mahigit 400 security personnel at 6 na sniffer dog teams ang kanilang i-dineploy para i-secure ang nasabing rave concert.
Bahagi rin ng security plan ang pagtatalaga ng 250 bouncers sa loob ng MOA concert venue at 100 pulis na nakabantay sa perimeter ng venue.
Una nang inihayag ng ilang imbestigador ang posibilidad na experiment drug ang ginamit ng ilang dumalo sa concert at ito naman ay mahigpit na sinusuri ng NBI.
By Judith Larino