Tinawag na premature ni election lawyer Romulo Macalintal ang naging pahayag ng Commission on Elections o COMELEC.
Kaugnay ito sa posibilidad na madiskaril ang pag-upo sa puwesto ni Vice President elect Leni Robredo dahil sa kabiguang maghain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng Partido Liberal na kanyang kinabibilangan.
Sa panayam ng Ratsada Balita kay Atty. Romulo Macalintal, legal counsel ni Robredo, malinaw ang isinasaad ng Omnibus Election Law at Fair Elections Act na binibigyan ng 30 araw ang bawat kandidato na makapagsumite ng kanilang SOCE.
Hindi na bago aniya ang pagkakaroon ng tinatawag na late filers pagdating sa pagsusumite ng SOCE.
Ayon kay Macalintal, hindi naman na dapat pinapalaki ang isyu na nito at hindi din dapat sabihing hindi makakaupo ang mga nanalong kandidato na hindi nakapagsumite nito sa tamang oras.
Pinuna din ni Macalintal ang alituntunin ng COMELEC na kailangang nakakabit sa SOCE ang mga resibo, gayung iilan lang naman ang susuri dito at wala din sapat na imbakan ang comelec para sa mga ito.
Bahagi ng pahayag ni Atty. Romulo Macalintal
Kasunod nito, tiniyak ni Macalintal na handang magbayad ng multa ang Liberal Party sakaling hindi payagan sa hinihingi nilang 15 araw na palugit.
Bahagi ng pahayag ni Atty. Romulo Macalintal
Electoral protest vs Robredo
Hindi naman nababahala si Atty. Romulo Macalintal sa plano ng kampo ni Sen. Bongbong Marcos na maghain ng election complaint laban kay Vice President elect Leni Robredo.
Ayon kay Macalintal, ito ay dahil walang basehan ang alegasyong pandaraya, na ibinabato ng kampo ni Marcos.
Binigyang diin ni Macalintal na posible lang silang mabahala kung mayroong makikitang isang election return na hindi nagtugma sa PPCRV o COMELEC copy.
Bahagi ng pahayag ni Atty. Romulo Macalintal
By Jaymark Dagala | Katrina Valle | Ratsada Balita