Malinaw na pananakot ang ginagawa ng pamahalaan sa pahayag nitong maraming negosyo ang maaapektuhan kung ipipilit ang hirit ng mga labor groups na itaas sa 750 pesos ang minimum wage.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP Spokesman Alan Tanjusay na ekonomiya din ng Pilipinas ang makikinabang oras na itaas ang sahod ng mga manggagawa.
Ito ay dahil sa mas tataas aniya ang purchising power o kakayahang bumili ng mga manggagawa kung madaragdagan ang kanilang mga sahod.
“‘Yung pera po ay pupunta sa lokal na ekonomiya, lalago ang mga negosyop at makikinabang din naman ang mga kababayan natin, so ‘yung mga statement ni DTI Secretary Lopez ay pananakot sa ating lahat lalong-lalo na sa wage board na huwag magbigay ng significant fare increase.” Ani Tanjusay
Samantala, tinawag naman ni Tanjusay na panggulo ang mga economic managers ng administrasyon na malaking balakid aniya sa isinusulong nilang itaas ang minimum wage sa bansa.
“Malabo itong mga government officials natin eh, imbes na magdudulot sila ng pag-asa, magbibigay sila ng determinasyon para pagsumikapan nating lahat para maabot natin ang cost of living standard sila pa mismo ang nagsasabing magkakaproblema tayo, so anong gagawin natin.” Pahayag ni Tanjusay
Una nang sinabi ng Department of Trade and Industry o DTI na mapanganib para sa ekonomiya ng bansa ang inihihirit ng mga militanteng grupo na 750 piso na minimum wage kada araw.
Ayon kay Secretary Ramon Lopez, posibleng malaki ang maging negatibong epekto ng nasabing halaga na minimum wage para sa mga manggagawa.
Paliwanag ni Lopez, mas makakabuti kung ibabatay sa inflation ang pagbibigay ng umento sa sahod upang maiwasan na magkaroon ito ng epekto sa presyo ng mga produkto at sa ekonomiya ng bansa.
Gayunman nilinaw ni Lopez na ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board pa rin ang magdedesisyon o magtatakda kung magkano ang dapat na idagdag sa sweldo ng mga manggagawa.
(Balitang Todong Lakas Interview)