Hugas kamay ang Malakaniyang sa panibagong banat ni Vice President Jejomar Binay hinggil sa umano’y pagwawalis sa mga katunggali ni administration bet Mar Roxas sa landas nito.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abegail Valte, tiwala silang maayos ang ginagawang diskarte sa pangangampaniya ni Roxas at hindi na kailangan pang manira ng ibang kandidato.
Unang sinabi ni Binay na kitang-kita ang kumpas ng palasyo sa paggawa ng mga usapin laban sa mga mahigpit na katunggali ng pambato ng administrasyon na si Roxas.
Una na rito aniya ang patum-patong na aligasyon ng katiwalian na ibinabato laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
Gayundin ang sunud-sunod na disqualification case na isinampa laban kay Senadora Grace Poe.
Sagot ni Valte, hindi naman aniya kaalyado ng administrasyon ang mga nasa likod ng disqualification case laban kay Poe tulad nina Atty. Elamparo, Prof. Antonio Contreras, dating Senador Kit Tatad, Rizalito David at Dean Amado Valdez.
By: Jaymark Dagala