Kinondena ng Philippine Medical Association (PMA) ang naging pahayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion III laban sa rekomendasyon ng isang grupo ng mga doktor na huwag gumamit ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid test kits para sa mga OFW’s.
Ayon kay PMA President Jose Santiago, Jr. uncalled for o hindi makatuwiran ang nasabing pahayag ni concepcion laban sa mga doktor na nagtatrabaho para makatulong na magamot ang mga tinamaan ng sakit.
Iniimbitahan aniya nila si Concepcion para sa isang guided tour ng medical facilities lalo na sa COVID-19 referral hospitals para makita ang mga ginagawa ng mga doktor at iba pang medical frontliners.
Binigyang diin ni Santiago na naninindigan ang PMA na hindi sila naglalabas ng anumang pahayag ng walang pag-aaral o pagsasaliksik at anumang rekomendasyon ay ginagawa ng mga experts sa kanilang larangan.
Una nang humingi ng paumanhin si Concepcion at nagsabing ang kaniyang naging pahayag ay hindi laban sa lahat ng mga doktor.