Dapat makinig ang pamahalaan sa mga naging aral ng ibang bansa hinggil sa kampaniya kontra iligal na droga.
Ito’y ayon kay Vice President Leni Robredo kasunod ng naging pahayag ni dating Colombian President Cesar Gaviria para kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Robredo, napatunayan na sa kasaysayan na walang buting naidudulot ang paggamit ng dahas sa pagsugpo sa droga lalo’t mga inosente lamang ang siyang tinatamaan nito.
“Ako kasi, pag tiningnan natin yung kasaysayan ng iba’t ibang mga bansa na lumaban sa suliranin tungkol sa iligal na droga, nakikita natin na yung experiences ng mga bansa na nag resort sa violence, nag resort sa pagtingin laban na ito ay isang military game, walang nag succeed doon”.
“Hindi lang yung Columbian, kung babalikan natin maaalala natin yung Thailand, yung Thailand ganun din ang approach hindi din nag succeed”
Giit ni Robredo, maraming aral ang makukuha ng Pilipinas sa mga bansang Colombia at Thailand na bigong masugpo ang droga dahil ito’y suliraning panlipunan at hindi suliraning military.
“Sana yung pamahalaaan pakinggan yung kwento at karanasan nung mga dumaan na diyan, para sana hindi natin maulit yung lahat na mali na nangyari in the past.”
“Kung titingnan natin yung past 7 months natin parang inuulit natin yung cycle, kaya tingin ko makakabuti sana satin na magpulot ng aral dun sa mga karanasan ng iba para sana hindi naman tayo napapamali, tingin ko hindi naman makakasama satin na makinig”
By Jaymark Dagala / Race Perez