Hindi na ikinagulat ni election Lawyer Gregorio Larrazabal, dating commissioner ng Commission on Elections (Comelec) na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa komisyon na bitiwan na ang Smartmatic.
Ayon kay Larrazabal, nuong 2013 pa nang siya mismo ang humimok sa Comelec na maghanap na ng ibang service provider.
Aniya, matapos ang problema na nangyari matapos gamitin ang vote counting machine (VCM) ng Smartmatic ay tama lamang umano na palitan na ito.
“So, sinasabi ko sa Comelec look at it kasi hindi naman pwede parati tayong Smartmatic. So you look at it eh you make sure may mga compensating measures to prevent yung may problema sa system. In fact, last 2016 and 2019.” Pahayag ni Larrazabal.
Gayunman, sinabi ni Larrazabal na hindi magandang marinig kung kay Pangulong Duterte ito mismo manggagaling at isa rin umanong independent body ang Comelec.
“Ang problema dito nanalo si Presidente noong 2016 na ganitong system. Then, senators nitong 2019 won with the same machines. If you push that fraud baka tanungin how they won last 2016 and 2019. Well, depende sa Comelec yan at depende yan sa performance ng machine. Comelec is a constitutional body you cannot dictate what the Comelec what to do.” Ani Atty. Larrazabal.