Mali ang Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nitong okay lang na mangisda rin ang China sa EEZ o Exclusive Economic Zone ng Pilipinas dahil magkaibigan naman ang dalawang bansa.
Ayon ito kay Professor Jay Batongbacal, director ng IMLOS o Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea ng UP Diliman.
Binigyng diin ni Batongbacal na malinaw sa konstitusyon na hindi dapat pumayag ang Pilipinas na magkaroon ng foreign fishing sa EEZ ng bansa batay na rin sa nakasaad sa Fisheries Code at maituturing nang krimen ang presensya ng dayuhang fishing vessel sa EEZ ng Pilipinas.
Hindi aniya uubrang maging excuse o dahilan ang friendship o pagiging magkaibigan ng dalawang bansa para hindi ipatupad ang sariling batas ng Pilipinas.
Ibinabala pa ni Batongbacal na maaaring maging basehan ng impeachment ng isang public official ang pagpapatupad ng isang unconstitutional policy.