Hindi kinagat ng mga magsasaka ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na sinuspinde na niya ang pag-angkat ng bigas sa panahon ng anihan.
Ayon kay Eduardo Mora, pangulo ng Pambansang Kaisahan ng Magbubukid ng Pilipinas (PKMP), wala namang ipinalalabas na pormal na kautusan hinggil dito ang pangulo.
Ang sabi ko nga rito noong February, ‘bakit kaagad-agad ay pinirmahan ng pangulo nang wala namang konsultasyon sa mga magsasaka?’, ‘yon talaga ang totoong problema nito, kasi kung ipinadaan ito sa konsultasyon sa mga magsasaka, maliwanag na kami ay tututol, hindi kami sasang-ayon dito,” ani Mora.
Kasabay nito, hiniling ng grupo ng mga magsasaka sa National Economic Development Administration (NEDA) na isapubliko ang listahan ng mga traders na pinayagang makapag-angkat ng bigas.
Kinuwestyon ni Mora kung bakit tuloy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng permit para makapag-import gayung sinasabi nilang sobra-sobra na ang dami ng naangkat na bigas para ngayong taon.
Pwede bang maglabas ang NEDA, sinong mga kooperatiba, sino’ng importer na ‘yan, at bakit? Kinakailangan mayroong clear, ang NEDA, na ipapaliwanag doon sa pag-iimport ng bigas, bakit tuloy-tuloy ‘yan? Samantalang sinasabi nila na baha naman ang bigas,” ani Mora. –sa panayam ng Ratsada Balita.