Umani ng kaliwa’t kanang reaksyon ang naging pahayag ni incoming President Rodrigo Duterte na may kaugnayan sa pagpatay sa mga mamamahayag.
Sa kanyang facebook account, sinabi ni Mika Ortega, anak ng pinaslang na Environmentalist at Broadcaster na si Doc Gerry Ortega na walang habas na pinaslang ang kanyang ama na gumaganap sa kanyang tungkulin para sa bayan.
Pahayag naman ng National Union of Journalist of the Philippines o NUJP, bagama’t aminado silang may mga tiwaling miyembro ng media, hindi pa rin sapat ang pagpatay para maitama ang pagkakamali.
Subalit sa panig naman ng National Press Club o NPC, nangangamba silang magiging daan ang pahayag ni Duterte para madagdagan pa ang mga pinapaslang na media men tiwali man ito o hindi.
Malacañang
Kinikilala ng Malacañang ang ginagampanang papel ng mga mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Reaksyon ito ng Palasyo sa naging pahayag naman ni incoming president Rodrigo Duterte kaugnay sa media killings.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, naniniwala silang may karapatan pa rin sa due process at pantay na proteksyon ng batas ang mga mediamen bilang mamamayan ng Pilipinas.
Kasunod nito, sinabi ni Coloma na nalulungkot siya sa naging pahayag ni Duterte na kaya pinapatay ang ilang mamamahayag dahil nasasangkot ang mga ito sa kurapsyon.
Paggigiit pa ni Coloma na nagmula rin sa hanay ng media na tungkulin ng estado na arestuhin, kasuhan at parusahan ang sinumang may pananagutan sa batas saan mang industriya ito nagmula.
By Jaymark Dagala