Inihalintulad ni Senador Panfilo Lacson sa pagsuko ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbangga ng Chinese vessel sa bangkang pangisda ng mga Pinoy sa Recto Bank.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Lacson na naiwang durog ang puso ng mga nag-aantay sa pahayag ng pangulo hinggil sa insidente.
Sinabi ni Lacson na dapat ay ginamit pa ng pangulo ang natitira nyang resources bago sumuko tulad na lamang ng mutual defense treaty (MDT) ng Pilipinas at Amerika.
Nilinaw ni Lacson na hindi sya nagmumungkahi ng giyera kundi layon lamang nito na makaramdam ang China na mayroong balanseng kapangyarihan sa West Philippine Sea.
Pinoy fishermen ikinalungkot din ang naging pahayag ni Duterte
Nakakalungkot para sa mga mangingisdang sakay ng bangkang pangisda na binangga ng Chinese vessel ang naging pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa insidente.
Ayon kay Junel Insigne, kapitan ng Gem-Ver, lumalabas na bale wala lamang sa pangulo ang nangyaring pagbangga sa kanila sa harap ng panganib na pwedeng may mamatay sa ganoong sitwasyon.
Sinabi ni Insigne na nais sana nilang marinig sa pangulo ang katiyakan na papanagutin ng pamahalaan ang kapitan ng barkong bumangga sa kanila at mapaalis ang mga Chinese na nangingisda sa Recto Bank na bahagi ng exclusive economic zone (EZZ) ng Pilipinas.
Matatandaan na sinabi ng pangulo na huwag nang palalain ang nangyari dahil banggaan lamang naman ito ng dalawang barko.