Tinawag na kahibangan ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang naging pahayag ni CPP-NPA Founding Chairman Jose Maria Sison.
Ito’y makaraang sabihin ni Sison na kayang pakilusin umano ng Amerika ang AFP at PNP para magkasa ng isang malawakang kudeta laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, maituturing na isang kahibangan ang mga pahayag na ito ni Sison.
Giit ni Detoyato, hindi sila tumatatanggap ng utos mula sa alinmang bansa maliban sa Pilipinas na isang bansang may soberenya at may sariling institusyon na nagtataguyod sa demokrasya.
Ang wawarde-wardeng pahayag ni Sison laban sa AFP at PNP ay malinaw na indikasyon ng estado ng kaniyang pag-iisip.
Sa usapin na kung aarestuhin nila ang pangulo tulad ng sinasabi ni Sison, buwelta ni Detoyato, walang pangangailangan na arestuhin ng pangulo dahil ito ang kanilang commander-in-chief at lehitimong inihalal ng taumbayan.