Personal na opinyon lamang ng isa sa mga commissioners ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang naging pahayag nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang nilinaw ni PACC commissioner Greco Belgica sa kanyang Facebook post matapos sabihin ng kanyang kapwa commissioner na si Atty. Manuelito Luna na dapat imbestigahan din ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangalawang pangulo.
Ayon kay Belgica, hindi sinasalamin ng ipinalabas na pahayag ni Luna ang buong posisyon ng PACC sa usapin.
Binigyang diin ni Belgica, hindi ito ang panahon para sa pulitika kung saan ang dapat na pagtuunan ng pansin ay matiyak na nakatatanggap ng kinauukulang ayuda ang lahat ng Pilipino.
Dagdag ni Belgica, hindi rin tumitingin sa personalidad ang PACC bagkus ay pinasasalamatan ang lahat ng mga nagbibigay ng tulong sa mga frontliners at nangangailangan kabilang na si Vice President Robredo.
Una rito, sinabi ni Luna sa isang text message sa DWIZ na dapat ding silipin ng NBI ang posibilidad ng illegal solicitation at direktang pakikipag kumpetensiya ni Robredo sa pamahalaan.
Kasunod ito ng mga ipinatutupad ng programa ng pangalawang pangulo para matulungan ang mga frontliners sa gitna ng pag-iral ng enhanced community quarantine sa Luzon.