Binatikos ni Vice President Leni Robredo ang panibagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tila kontra sa mga kababaihan.
Ito ay matapos sabihin ng pangulo na hindi pambabae ang trabaho ng isang presidente kasabay ng pagtangging tatakbo sa 2022 presidential election si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ayon kay Robredo, hindi nakatutulong bagkus ay nakapagpapababa pa sa isinusulong na gender equality o pagkakapantay-pantay ang mga katulad na pahayag lalu kung manggagaling sa isang pangulo.
Binigyang diin ni Robredo, dapat manatiling mataas ang respeto sa kababaihan lalu na’t may mahalagang papel ang mga ito sa usapin ng pamumuno o pamamahala sa bansa.
Dagdag ng pangalawang pangulo, hindi lamang aniya ito tungkol kay Mayor Sara, sa kanya o sa iba pang mga kilalang babaeng lider sa Pilipinas kundi para sa lahat ng babaeng Pilipino na maaaring maaapektuhan ng mababang pagtingin ng pangulo.
Iginiit pa ni Robredo, hindi siya sang-ayun sa opinyon ni Pangulong Duterte lalu na’t makikitang mas naging mahusay ang pagtugon ng mga bansang pinamumunuan ng mga kababaihan sa pandemya.